Secrets to Happiness

Pano nga ba maging ganito kasaya lagi?

Panimula

Siguro isa sa mga ultimate goals natin bilang mga tao dito sa mundo e ang sumaya. Syempre ok rin kung mabago natin ang mundo at maimprove ito o mag-iwan tayo ng magandang legacy na maaalala kahit wala na tayo, pero ang pinakabasic na gusto natin e ang sumaya.

Marami na kong nabasang mga article at mga kwento na nagbibigay ng tips kung pano nga ba sumaya sa mundong parang lagi kang gustong tapakan at pahirapan. Pero madalas sa mga yun e philosophical lang ang malabo. Yung tipong “It’s not about material things” at kung anu-ano pa. Ok din yung mga yun pero tingin ko mahirap naman iapply yun sa totoong buhay. Kung dati gusto mo ng mamahaling cellphone, kelangan ba biglang ayaw mo na nun kasi hindi sa material things nahahanap ang kasiyahan? Mahirap naman yata biglang ayawan o kalimutan ang isang bagay na matagal mo nang gusto.

Kaya naman narito ako para magbigay ng sarili kong mga tips kung pano ba sumaya. Actually, ang tips na to e kung pano ba mamaximize ang pagiging masaya. Pano mo magagawang matagal kang masaya at hindi panandalian lang? Kasi ang totoo, hindi lang maging masaya ang goal natin. Siguro naman naging masaya ka na kahit isang beses lang sa buhay mo. Ang totoong goal natin e maging masaya at much as possible.

So ano, handa ka na ba sa mga practical tips ko?

Simulan Mo Sa Simple

Sinabi ko na kanina na hindi masyadong malinaw yung mga normal na tips sa pagiging masaya. Sabi nila appreciate the little things. Tama naman, at yun din ang unang tip ko. Pero wag ka magkakamaling isipin na sinasabi ko sayong wag mo nang pansinin yung mga big things. Yun yung madalas na sinasabi ng iba e. Na hindi ka sasaya sa pera. Pero ang sinasabi ko sayo, sasaya ka mga simpleng bagay, pero sasaya ka rin sa pera at sa mga makamundong bagay.

Hindi ko rin sinasabing magiging masaya ng matagal. Pag tumama ka sa lotto ng 100M, hindi ka ba magiging masaya? Kahit na 1 month lang ay naubos mo na yung premyo mo at naghirap ka ulit pagkatapos, hindi mo maikakailang naging masaya ka sa pera. So tandaan mo na magiging masaya ka rin sa mga makamundong bagay, kaso madalas saglit lang.

Yung mga simpleng bagay, magiging masaya ka rin dun. Madalas saglit lang din. Pero ang maganda sa mga simpleng bagay e madami sila, at madalas libre at mura. Kaya magandang kumuha ng kasiyahan sa mga yun. Gaya ng pagtama mo sa lotto, siguro isang beses ka lang mananalo sa lotto sa buong buhay mo. So isang beses ka lang sasaya dahil sa lotto. Pero kung magiging masaya ka rin tuwing umuulan at nasa bahay ka at safe, isipin mo ilang beses ka magiging masaya sa isang taon?

Kaya naman iappreciate mo lang lahat ng bagay. Maging mababaw ka. Pag may nakita kang santan at kinuha mo yung bulaklak at sinipsip mo yung nectar na lalabas, baka sabihan ka ng mga kaibigan mo na weird. Pero ok lang yun. Pakialam ba nila? At least masaya ka e sila? Hehe.

Mamangha ka sa eroplanong dumadaan sa taas. Sa kapitbahay mong baliktad ang tshirt. Sa langgam na may dala-dalang patay na langaw. Dahil kung makakahanap ka ng kasiyahan sa mga simpleng bagay tulad ng mga yun, advantage na agad yun sayo kasi maraming makakapagpasaya sayo. Sa ibang tao mga material things lang. Sayo mga material things plus mga simple things. Ayos diba?

Dahan-dahan Lang

Eto na ang next na tip ko – dahan dahan ka lang. Anong ibig sabihin ko dito? Isipin mo kung nagcrave ka ng burger, so bumili ka ng burger. Syempre masaya ka dahil nabili mo ang craving mo at kakainin mo na. Ngayon, kung mauubos mo yung burger in 1 minute, naging masaya ka for 1 minute. Pero kung dadahan-dahanin mo ang pagkain at uubusin mo in 10 minutes, edi magiging masaya ka in 10 minutes! Napakalupit na life hack diba?

Pwede mo iapply yan sa maraming bagay. Pag may pinapanuod kang magandang series pero inaantok ka na, matulog ka na. Next time mo na lang ituloy para may chance ka pa ulit sumaya. Pag tinapos mo na ngayon, wala ka nang papanuorin na magpapasaya sayo so maghahanap ka na ng iba. Tapos napuyat ka pa. Lose-lose. Haha.

Minsan nga pwedeng wag na natin iconsume yung isang bagay na meron tayo para sobrang tagal nating masaya. Yan ang dahilan kung bakit lagi kaming naeexpire-han ng chocloates. Masaya kasi kami na may chocolates sa ref, kaya ayaw namin kainin kasi pag kinain namin, masaya lang kami habang kinakain yun pero pagkatapos nun wala na. Pero pag hindi namin kinain, masaya lang kami knowing na may chocolates sa ref na pwede naming kainin kahit kelan (pero ang totoo hindi namin kakainin so parang paradox haha!). Siguro mga 15 minutes bago mo maubos ang isang cadbury bar, pero lampas 6 months ang shelf life nun sa ref. Anong mas ok, maging masaya ng 15 minutes o 6 months? Haha.

Magpigil Muna

Abstinence. Yan lang naman ang ibig kong sabihin dyan. At oo, ginoogle ko muna ang meaning nyan at in general yan, hindi lang tungkol sa sex. Haha. Pero siguro nagtataka ka, pano ka magiging masaya kung iiwasan mo yung bagay na gusto mo? Simple lang yan – anticipation. Hindi ko sinasabing iwasan mo na forever yung gusto mo, pero iwasan mo hangga’t kaya mo, para pag nakuha mo na, sobrang saya.

Isang example ko e yung pagbili ko ng mga gadgets. Marami akong gustong biling mga gadgets pero ang totoo minsan lang talaga ako bumili. Nagreresearch ako ng ilang oras sa isang bagay na gusto ko, iniimagine ko kung anong pakiramdam pag meron na ko nun, pero hindi ko rin bibilin. Pinapaasa ko lang ang sarili ko. Suspense kumbaga. Para pag dumating na ang time na bibilin ko na talaga, mas malakas ang epekto kesa kung binili ko agad nung unang naisip ko. Kaya nga mas masaya kung pag-iipunan mo muna ang isang bagay e, kasi mapipilitan ka munang magpantasya at mag-anticipate dun sa bibilin mo.

Gusto ko bumili ng Nintendo Switch simula pa last year, naka-ilang research na ko, alam ko na yung mga games na gusto ko bilin at laruin, naisip ko na kung san ko ilalagay sa kwarto ko yung dock nya, kung pano ko dadalin sa office, at kung anu-ano pa. Pero hanggang ngayon hindi pa rin ako bumibili. Hype na hype na ko. Haha. Kaya naman pag bumili na ko (hindi ko pa rin talaga alam kung kelan), siguradong magiging mas masaya ako compared kung binili ko na last year pa lang.

Isa pang bonus ng abstinence e may time ka pang magbago ng isip. Baka biglang maisip mo na hindi mo na pala gusto yung gusto mo dati. At least nakatipid ka pa diba?

Pero ang pinakamalaking advantage talaga ng abstinece e hindi ka agad mauubusan ng gusto. Siguro narinig mo na ang kasabihan na ang mga tao ay walang katapusan ang pagnanais. Akala mo lang may isang bagay kang gustong gusto mo na pag nakuha mo na yun e wala ka nang ibang gugustuhin pa, pero ang totoo pag nakuha mo na yung gusto mong yun, dadating ang panahon na maghahanap ka na ulit ng iba. Wag ka mag-alala, ganun talaga yun. Hindi ka greedy, or actually greedy ka pero ok lang kasi lahat naman halos ganun. Haha.

So kung iniiwasan mong kunin agad yung gusto mo, hindi ka agad maghahanap ng iba. Hindi ka mauubusan ng gugustuhin. Kaya maraming mayaman ang malungkot, kasi lahat ng gusto nila nakuha na nila. Kaya ang problema nila e ano pa bang gugustuhin nila? Gaya ng nasabi ko na dati na (di ko alam kung sa blog din ba o sa tweet), “One thing sadder than not getting what you want, is not knowing what you want”. Kaya marami ring mayaman ang gusto pang yumaman lalo kahit na mayaman na sila, kasi lagi mong gusto yung wala ka at hindi mo makuha. Kahit mayaman ka na, ang gugustuhin mo pa rin e yung hindi mo pa rin afford, kaya gusto mo pang yumaman.

Quick Note: Si Bill Gates ang isa sa pinakamayamang tao sa mundo, pero hindi sya malungkot tulad ng ibang mayaman, kasi meron pa rin syang gusto na hindi nya pa naaabot. Kaya na nyang bilin lahat ng bagay na binebenta sa mundo, so ang gusto na nya e yung pagandahin ang buhay ng mga tao, puksain ang mga sakit, atbp. Yung mga gusto nya e hindi basta-basta nabibili ng pera.

Kaya mga bata, wag kayong magmadaling makipagsex. Kasi pag bata pa lang kayo e naranasan nyo na yan, ano pang gugustuhin nyo? Wala na. Naabot nyo na ang rurok ng ligayang sekswal. Kaya simulan nyo muna sa pasmack-smack. Hangga’t kinikilig pa kayo sa smack sa cheeks, dun na lang muna kayo. Wag nyo agad ubusin lahat ng pwedeng gawin. Haha.

Iwasang Maumay

Ok, ngayon dito naman tayo sa usapan umay. Simple lang naman to. Isipin mo yung pinakamasarap na pagkain para sayo. Ngayon isipin mo na yun lang ang kakainin mo habambuhay. Sa umpisa masaya kasi masarap yun e, pero syempre pagtagal mauumay ka rin. Hindi ka na masaya sa pagkain na yun. Pero hindi ibig sabihin na hindi ka na magiging masaya sa pagkain na yun ulit. Kelangan mo lang kumain ulit ng iba.

Yan lang naman ang teknik para hindi ka maumay. Kelangan iba-iba. Kelangan may variety. Kelangan nagpapalit. Exception na lang dito yung passion. Pag passion mo, kahit araw-araw mo gawin ok lang. Pero kahit yung sobrang passionate na mga tao minsan nagpapahinga rin at gumagawa ng ibang bagay pagtagal kasi nakakapagod pa rin. Basta ang punto dito e try mong kumuha ng kasiyahan sa iba’t ibang bagay. Kasi parang mga skills yan sa DOTA o LOL o Mobile Legends – may cooldown. Kaya nga pag nagcrave ka ng pizza, pagkatapos mo kumain nun ayaw mo muna ng pizza, iba naman muna gusto mo kasi kakakain mo lang ng pizza e. Cooldown pa yung kasiyahan na makukuha mo sa pagkain ng pizza.

Subukan mo ring iwasang gawing habit o routine ang isang bagay na nagpapasaya sayo. Kasi pag naging habit o routine na ang isang bagay, madalas nababawasan ang epekto nito satin. Nagiging normal na lang at hindi na natin masyadong napapansin. Halimbawa kung may BF/GF ka tapos every week nagkikita kayo, at tuwing nagkikita kayo e binibigyan ka nya ng chocolate bar. Sa una masaya, dahil ang sweet. Pero kung tuluy-tuloy lang yun every week, malamang on the 30th week, di ka na naeexcite at nasisiyahan masyado sa chocolate bar na yun. Nasanay ka na kasi. Oo, pwedeng naaappreciate mo pa rin, nagpapasalamat ka pa rin, sweet pa rin sya para sayo at kinakain mo pa rin yung chocolate at nasasarapan ka pa rin sa chocolate na yun. Pero hindi ka na ganun kasaya sa pagtanggap mo nun tulad nung una. Kung iniba-iba nya sana yung binibigay nya per week, o kahit minsan wala syang binigay, hindi ka masasanay dun sa chocolates.

Pero wag kayong magkakamaling isipin na sinasabi kong wag kayong makuntento. Na dapat laging may bago. Hindi porket nag-iiba iba e laging may bago. Pwede namang rotation e. Ganun ang ginagawa ko sa mga hobbies ko. Madami akong hobbies, pero hindi ako laging naghahanap ng bagong hobby. Nagrorotate lang ako sa kanila. Kung ngayon mas trip ko magdrawing, edi yun muna gagawin ko. Pag napagod at nagsawa na ko, music naman. Pagtapos nun, writing naman. Pag ayoko na muna ulit magsulat, nuod nuod muna ko ng movies at series. Pag nagsawa na ko dun, drawing naman ulit kasi by that time gusto ko na ulit magdrawing. So paulit-ulit lang din yung ginagawa ko, pero paiba-iba. Haha.

Contentment Is Not Bad

Nasabihan ka na ba o may narinig ka nang nasabihan ng “Dyan lang masaya ka na? Ang babaw mo naman!”? Kung oo, naging saksi ka sa isang sakit ng lipunan natin ngayon – ang kawalan ng pagkakuntento. Hindi naman masama ang maghangad na umunlad ang buhay mo at mas maging kumportable sa buhay. Pero ang malungkot e yung mga taong hindi naghahangad nun e tinitignan pa ng masama. Na para bang mali ka o may kulang ka kung hindi mo pangarap umunlad at yumaman. Na kapag kuntento ka sa kung meron ka at masaya ka rito, e sasabihan kang walang ambisyon o kaya naman “wasted potential”.

Teacher ang tatay ko. Sakto lang ang sweldo nya, pero alam namin na may ibang school na kaya syang bigyan ng mas mataas na sweldo. Dati nagtataka ako bakit ayaw ng tatay ko lumipat ng school kahit na mas mataas naman ang sweldo dun. Inisip ko, bakit sya nagttyaga sa sweldo nya ngayon kung pwede namang mas malaki pa yun? Pero dati lang yun. Ngayon alam ko na kung bakit – kuntento na ang tatay ko. Siguro masaya naman sya sa trabaho nya ngayon, sapat naman ang sweldo nya para sa mga gastusin sa bahay at para sa paglabas labas namin at pambili nya ng beer at yosi. Life is good, life is chill.

Naiintindihan ko ang tatay ko. Life can be great, but why bother with great when good is good enough? Gaya ng sabi ko kanina sa taas, masasanay ka rin lang naman e. Yung “great” life na makukuha mo pag lumipat ka at lumaki ang sweldo mo, magiging “good” lang din yun pagdating na panahon at iba nanaman ang “great” – yung mas mataas pa. So kung “good” na ang life mo ngayon, bakit mo pa papalitan para maging great, kung babalik lang din sa “good”?

Kung hindi tayo magsesettle sa good at laging maghahanap ng great o better, hindi tayo matatapos. At wala ring relasyong magtatagal. Kasi ang totoo nyan, lagi kang may makikitang mas ok kesa sa partner mo ngayon. Ganun talaga yun, kasi sabi ko nga kanina, habang tumatagal e nababawasan ang kasiyahang nakukuha natin sa isang nagpapasaya satin. Kahit yung taong patay na patay ka dati at di ka makakain at di ka makatulog sa kaiisip, pag naging kayo na, mababawasan at mababawasan din ang kilig mo sa kanya. At kung maghahanap ka, makakakita ka talaga ng ibang taong mas magpapakilig sayo, kasi bago yun e, iba yun. Natural lang na pag nakuha na natin ang gusto natin, maghahanap na tayo ng iba. Pero hindi ko sinasabing tama yun. Kaya nga ang pagmamahal at relasyon e may commitment – commitment na kahit tumagal na kayo at may iba ka nang nakikitang mas kaakit-akit kaysa sa kanya, e sya pa rin ang pipiliin mo at hindi mo sya ipagpapalit.

Ang pagiging kuntento ay isang rare na katangian ng tao. Kung meron ka nito, wag kang mahiya. Pag pinagtatawanan ka ng mga tao dahil nagttyaga ka sa trabaho mong maliit ang sweldo, wag mo silang pansinin kung ikaw sa sarili mo e masaya ka naman. Ang totoo, inggit lang sila siguro dahil kahit malaki ang sweldo nila, hindi pa rin sila kuntento. Kung nagagandahan o naggwapuhan ka sa BF/GF mo at kinikilig ka pa rin paminsan minsan, bakit mo pa kelangan ng ibang magpapakilig sayo?

Tandaan mo, iiwan at aayawan mo lang ang isang tao o bagay kung hindi ka na masaya dun, hindi dahil may mas may magpapasaya pa sayo kahit na masaya ka pa rin naman sa kung anong meron ka. Ang madalas kasing nangyayari e mas lalong nawawala yung sayang nakukuha natin sa kung anong meron tayo kapag tumitingin tayo sa iba. The grass is always greener on the other side, pero ang nakakalimutan mo e green din naman yung grass mo. Kung hindi mo nakita yung grass sa kabila, masaya ka pa rin naman sa pagkagreen ng grass mo. Napansin mo lang na maputla pala yung grass mo nung nakita mo na mas green sa kabila.

May mga taong laging naghahanp ng mas green na grass. Hindi talaga nila alam kung gaano kagreen ang gusto nila, ang gusto lang talaga nila e yung mas green sa kung anong meron sila. Subukan mong wag maging ganung klase ng tao. Mahirap maging masaya ng matagal kapag ganun ka. Kaya maraming depressed ngayon dahil sa social media, kasi lagi mong nakikita kung gaano “kasaya” yung buhay ng ibang tao. Lagi mong naikukumpara yung grass mo sa grass nila at nakikita mong maputla pala yung sayo. Pero ang di mo alam, madalas dyan green lang ang grass dahil sa filter. Haha.

Inuulit ko lang, hindi ko sinasabing masama maghangad na umunlad at magkaron ng mas magandang buhay. Kung di ka masaya sa buhay mo ngayon, syempre gugustuhin mong magbago yun para maging masaya. Pero kung masaya ka naman ngayon, wag kang magmadaling tumingin sa iba. Wag ka rin magpaapekto sa mga taong kakaawaan ka dahil lang sa wala kang ganang yumaman. At mas lalo namang wag mong pintasan yung mga taong kuntento.

Lungkot at Saya

Ang huling tip ko sa kasiyahan e medyo nakakalito – kalungkutan. Oo, mas magiging masaya ka kung galing ka sa kalungkutan. Gaya ng sabi ko kanina, nassany tayo sa mga bagay bagay kaya nababawasan ang kasiyahan natin na galing sa kanila, at kasama dun ang kasiyahan mismo. Pwede kang masanay sa kasiyahan.

Naranasan mo na bang kumain ng leche flan na sobrang tamis, tapos pag-inom mo ng juice, parang ang tabang? Hindi yun dahil matabang yung juice, kundi dahil sobrang tamis nung leche flan. Natatabunan yung tamis ng juice. Ganun din sa kasiyahan. Kung lagi kang masaya, unti-unti nang tumatabang yung tamis ng mga kasiyahan na mas maliit. Kaya minsan ok din pagpahingahin ang kasiyahan.

Syempre hindi ko naman sinasabing magpakalungkot ka ng sinasadya. Ang payo ko lang e wag mong itaboy ang kalungkutan na parang sakit. Minsan may mga panahon na bigla na lang malungkot ako ng hindi ko alam kung bakit. Wala namang nangyaring malungkot o masama. Minsan ganun lang talaga. Siguro ikaw rin nakaranas na nun. Ang payo ko sa yo pag nangyari sayo yun e tanggapin mo lang yung kalungkutan. Yakapin mo na parang OFW mong magulang na once a year lang umuwi. Asikasuhin mo, bigyan mo ng pansin at wag mong madaliing umalis. Aalis at aalis din yan.

Uminom ka ng alak (kung pwede na ha!), umiyak ka habang nagpapaulan, sumulat ng malungkot na tula o kanta, magbalat ng patatas, maglinis ng kwarto. Madami kang magagawa na mas ok kapag malungkot kaysa masaya. Hindi lang puro negatibo ang dala ng kalungkutan, pwede mo rin ‘tong gawing inspirasyon.

Ang mapapansin mo, pagkatapos ng kalungkutan e mas malakas ang epekto ng kasiyahan. Parang tubig na mas masarap kapag pawis na pawis at uhaw na uhaw ka. Kama mong matigas pero parang nagiging sinlambot ng ulap kapag pagod ka galing sa mahabang byahe na nakatayo sa bus at may dalang mabigat na bag. Kaya nga may tinatawag na make-up sex – mas masarap daw ito dahil kakatapos nyo lang mag-away. Hehe.

Huling Salita

Pasensya na kung sumobrang haba ng post na to. Akala ko talaga maikli lang to, pero hindi ko na naman namalayan na ang dami ko na palang nasabi. Hindi pa nga exhaustive yan e, madami pa kong ibang naiisip. Pero next time na siguro yun. Sa ngayon yan lang muna.

Sana maiapply mo to sa buhay mo at makatulong sayo. Kung may iba ka pang tips, share mo rin para malaman ng iba. Nakakapagpasaya din madalas kapag alam mong nakatulong ka sa ibang tao. Win-win sa ating lahat.

Salamat sa pagbabasa.

P.S. Please like my facebook page: Maynard Landrito Writer

2 thoughts on “Secrets to Happiness

  1. You helped me stand from insecurity and loneliness. Yes I always asked myself why, why do I have to feel miserable while others aren’t. Its just a matter of choosing your own destiny. I chooses to be sad, a loner instead of being happy. You motivated me more through this. Thank you!

Leave a comment